Naniniwala po ako na ang majority ng botante gaya niyo ay
wala pang napipiling iboboto sa pagka-Mayor, at marami pa ring may napili ay
maari pa ring magbago ang isip kung makakarinig ng maayos at malinaw na
paliwanag. Ito po ang gusto kong subukan
sa pamamagitan ng paghain ng mahinahon at pinagnilayang paliwanag kung bakit
ang tingin ko ay kay Maam Lyn Dimaano dapat mapunta ang inyong sagradong boto.
Tama ang tagasuporta ni Ka Lydio na ang boto kay Maam Lyn
Dimaano ay kabawasan sa boto ng kanilang pambato dahil tila silang dalawa
lamang ang may gahiblang tsansa para makasilat sa nakaupong si Sabili.
Totoo rin ang sinasabi nila na si Ka Lydio ay mabait at
makatao. Sa katunayan, hindi ko man alam
na siya ay si Lydio Lopez ay madalas ko na siyang nasasalubong sa mall na
nakangiti na tila Tito ko na matagal ng hindi nasisilayan. Sa aking tantya siya ay mabuting magulang,
asawa at kaibigan; yung tipong nais mong lapitan para hingan nang payo kung
ikaw ay may dinadalang suliranin o agam-agam. Pangita naman sa kanyang aura na siya ay
sincere at may malasakit na tao.
Ngunit tayo ay naghahanap ng leader, hindi po ng pari o di
kaya’y modelong ama. Kung sapat na ang
kabutihang loob para pamunuan ang isang bayan ay di baga para namang napakapayat
at payak ng ating standard para sa ating bayan?
Giit ng kanyang mga taga-suporta na si Ka Lydio daw ay may
dangal at prinsipyo. Naniniwala ako na
ito ay totoo kung ang pagbabatayan ay ang kanyang pagiging asawa at padre de
pamilya; siya po ay may tamang family values ika nga at ito ay pangita. Ngunit ang mahirap sa mga salita gaya ng
dangal at prinsipyo ay mahirap itong masukat o maikahon sa iisang depinisyon,
lalong-lalo na kung ang isang tao ay naghahangad sa isang posisyon na may
direktang implikasyon sa daan-daang
libong katao.
Hindi ko po tinuturing na karangalan bilang isang mamamayan na
animo’y gawing personal na kaharian ni Sabili ang Lipa sa pamamagitan ng
pagsulong ng pansarili n’yang agenda habang si Ka Lydio ay tahimik na nasa tabi,
kumakamay at kumakaway na parang ayos laang ang lahat.
Hindi po mababang puwesto ang Vice-Mayor, at lalo pong hindi
ito walang kapangyarihan. Ayon sa local
government code ay siya ang nagpre-preside sa konseho at may hawak ng pondo
nito. Kung ano mang anomalya ang
pinupukol kay Sabili ngayon ay dahil ito ay pinahintulutan ni Ka Lydio na tila
iwas na iwas sa komprontasyon dala na rin ng kanyang ubod ng kabaitan.
Kung si Ka Lydio ay nag-ingay at ipinamukha sa mga
nagmamane-obra na di sila lulusot sa kanilang balak ay wala nang
pangangailangan pa kay Maam Lyn Dimaano dahil ang bayan ay may totoong kakampi
sa munisipyo. Ang pagwawalang bahala ni
Ka Lydio ay kailanman hindi ko ituturing na prinsipyo. Ang prinsipyo ay ipinaglalaban, hindi
tinatalikuran dahil sa ayaw mong makasakit o makabangga ng kapwa.
Marami sa inyo ang nagtatanong, ano bang klaseng tao ito si
Lyn Dimaano.
Mahigit isang taon pa lang kaming magkakilala ni Maam Lyn. Apat na beses pa lang kami nagkikita ng
personal – dalawang beses sa UP, isang beses sa meeting na may kinalaman sa
trabaho namin bilang guro at tagahubog ng isip at kalinangan ng mga kabataan,
at nung nagbigay siya ng huling respeto sa aking namayapang Nanay na dati
niyang naging teacher nuong siya ay highschool pa. Gayun pa man sa aming maikling panahong
pagkakilala na nauuwi sa mahahabang pagpupulong at pagpapalitan ng
kuro-kuro ay marami kaming pananaw na pinagkakasunduan. Marami din akong napupulot na aral at
napapalawak niya ang aking pananaw kaya tinitingala ko siya bilang nakatatandang
kaibigan at mentor.
Na-meet ko na rin ang kanyang asawa na successful na
professional ngunit low-key lamang, gayundin ang dalawa sa kanilang tatlong
anak na datapwat ubod din ng tatalino ay napaka-simple at magagalang. Sila yung
tipong masaya na sa kanilang kinaroroonan at ginagawa at hindi hihingi ng
spotlight kung ang kanilang ina ay maluklok sa paninilbihan gaya ng nangyayari
sa mga nakaupong pamilya sa kapangyarihan. Maayos
po ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang.
Alam niyo po, hindi lang po si Ka Lydio ang may tamang
values na tinuturo sa pamilya.
Si Maam Lyn ay tumatakbong indipendyente, hindi po siya
umaasa sa backing ng iba. Kapag siya ay
nagsalita, sinasabi niya ang dapat mong marinig hindi ang gusto mong
marinig. Para sa iba, ito ay kayabangan
o kaangasan. Pero kung inyong susuriin
ay di baga’t siya lamang ay nagiging matapat sa iyo at sa akin sa hindi niya
paligoy-ligoy? Iyan po ang totoong
dangal, totoong tao – walang bahid showbiz o pamumulitika.
Si Maam Lyn pag may nakitang mali ay agad sinisita at di
papayag na ikumpromiso ang tama para sa baluktot. Para sa iba siya daw ay walang pakisama. Para sa akin ito ay malinaw na pagpapakita ng
tapang at prinsipyo.
Ngayon, sa mga katiwalian sa City Hall, sa walang
pakundangang maling paggamit sa resources ng bayan, sa lumalapit na humihingi
ng pabor, raket o posisyon, sa pagkawala ng disiplina sa kalsada, at sa
samu’t-saring problema ng Lipa, sino ang tingin n’yo ang may kakayahan para
maisa-ayos ang mga ito? Ang mabait at
magaling makisama o ang diretsa at matibay ang paninindigan?
Malinaw po ito.
Nakakatawang isipin na ang pinakamalaking bato na ipinupokol
kay Maam Lyn sa kakulangan niya sa eksperiyensya sa gobyerno ay ang
pinakamalaki ring dahilan kung bakit si Ka Lydio ay hindi nararapat maluklok sa
puwesto.
Totoo pong walang karanasan sa puwesto si Maam Lyn sa
gobyerno ngunit mahaba at subok ang kanyang track record sa akademya at private
sector bilang guro, empleyado at entrepreneur. Gaya ng nabanggit ko sa una kong
naisulat (mababasa niyo pag pinindot n’yo ito), wala sa mga tumatakbong alkalde
ng Lipa ang makakatumbas sa kanyang professional track record.
Wala po at malinaw ito.
Ngayon totoong si Ka Lydio ay mahigit dalawang dekada na sa
panunungkulan sa gobyerno kaya hindi naman siguro masamang mag-expect na
sandamakmak na ang naipasa n’yang ordinansa o di kaya mga proyektong bayang
naisulong. Nakakagulat pero tila wala. Kahit ang kanyang maiingay na taga-suporta ay
walang maikampana. Ito po ay hindi
paninira, sinasabi ko lang po ang hindi mapabulaanan ng pruweba.
Kung marami na siyang nagawa at napatunayan bukod sa
pagiging mabait at madaling lapitan ay di na kailangan pa ng isang Maam
Lyn.
Malinaw po ito.
Kaya para pong napakalabo ng hinihingi ng kampo ni Ka Lydio
na magbigay si Maam Lyn para mapunta ang boto niya sa kanilang kandidato gayong
malinaw naman kung sino ang mas kwalipikado at mas may kakayahan para
mag-introduce ng pagbabago.
Hindi po ang tagal sa puwesto ang basehan sa pagpili. Kakayahan po at kahandaan ang mahalaga. At hinding-hindi po maaaring i-claim na laang
na i-claim ang dangal, prinsipyo at kung ano-ano pang adjectives na hindi naman
na susuportahan ng konkretong gawa para makakumbinsi sa mga hindi pa
nakakapag-decide kung sino ang iboboto nila.
Kahit nga plataporma kung mananalo ay hindi man lamang napaghandaan, ano
pa kaya kung nakaupo na?
Ang paghain po ng plataporma ay nagpapakita kung paano
inaral ng isang kandidato ang sitwasyong susuungin at nagbibigay ng pasilip
kung paano niya planong bigyan ng solusyon ang mga problema at ng kaganapan ang
mga potential na ikauunlad ng bayan.
Kung wala po nito ang isang kandidato ay maaaring hindi niya alam ang
nangyayari, o alam niya pero wala siyang pakialam o di kaya di lang niya talaga
alam kung ano ang gagawin. Kung ang
kasambahay nga na nag-a-apply sa ating pamamahay ay tinatanong natin kung ano
ang kaya niyang gawin, Mayor ng bayan pa po kaya?
Ang plataporma po ay napakahalaga dahil ito ay magsisilbing
commitment ng isang kandidato sa kanyang nais pagsilbihan. Kung wala pong binigay na plataporma ang
kandidato at wala ding ginawa kapag nakaupo na, huwag po nating tanungin kung
bakit dahil sasagutin po tayo ng “Bakit, may binitiwan ga akong pangako ng
gagawin ko?”
Huwag po magpapaniwala sa mga sulsol ng iba na para lang
kayong nagsayang ng boto kay Maam Lyn. Suriin
po natin kung kaninong boto ang tila mapupunta sa kawalan. Wala pong sayang na boto kung alam mong ito
ay tama at napag-isipan at hindi lang udyok ng damdamin at ng mindset na, “ah
basta!”
Hindi po lost cause si Maam Lyn. Gaya nang nabanggit ko, napakarami pa po ng
undecided na botante na maaaring makumbinsi gamit ng tamang
pagpapaliwanag. Ikaw po na bumabasa
nito, kung napipisil niyo na may katuwiran ang pagboto kay Maam Lyn, ay malaki
ang magagawa para maisulong ang kanyang kandidatura.
Dito lang po sa facebook group na ito ay napakarami na nang
maaaring magawa. Hindi po tayo nag-iisa.
Meron po ditong roughly 3,500 members, karamihan dito na gaya ko, ay
in-add lamang ng concerned na kakilala dahil alam n’yang ikaw ay may angking
pagtatangi sa bayan ng Lipa. Siguro po ay
wala pang 50 members ang madalas nating nababasa na nagko-komento o di kaya’y
nagbabangayan sa samu’t-saring threads. Ngunit
karamihan po sa mga miyembro ay tahimik na nagbabasa, nagtitimbang at
nagmamasid.
Ang akin pong blog kung saan niyo binabasa
ito ay may 2 statistic meters: isa yung sa google mismo, at isa mula sa aking
ad provider na nuffnang. Mas detalyado
po ang sa nuffnang dahil lumalabas kung saang bansa nangaling yung nagbasa at kung
anong oras siya bumisita, pati na kung anong site ang nag-refer sa kanya.
Nuong una akong nag-post ng blog
ko sa facebook page natin ay nakita ko sa site stats ko na daan-daan po ang
bumasa nito sa unang ilang oras pa po lamang na nailabas ito. Silent majority po ika-nga, at ito ay napakalakas na pwersa para
magkaron ng multiplier effect kung magagamit sa tama.
Ano po ba ang puede nating magawa? Marami po, at lahat po ay napaka-simple
lamang, within our personal bounds, ika nga.
Kung binasa mo ito at nakumbinsi ka na si Maam Lyn nga ang
dapat na susunod nating leader, napakalaking bagay po ang pag-share ng link na
ito sa inyong personal na wall para mabasa din ito ng mga kaibigan at kakilala
niyo na ‘di naabot ng ating facebook group.
Lagyan niyo po ng sarili niyong paliwanag kung bakit niyo naisipang
i-share ito. Nagbibigay po ng karagdagang
bigat ang link na ito kapag may personal na pag-endorso ninyo.
Lahat po tayo ay may personal na kakilala na tipong malaki
ang tiwala at paggalang sa atin, na malamang ay di kilala si Maam Lyn o di
kaya’y inclined na bumoto ng kulang sa pagninilay at gabay. Maaari po natin silang kausapin ng
masinsinan, para bagang, “Alam mo (picture out kung sino ang kakilalang ito) na
kailanman ay hindi kita ipapahamak at yung mabuti lang ang gusto ko para sa
iyo.”
Ito pong datos na susunod ay galing din sa nuffnang: 60% po
ng bumasa ng aking post ay mula sa Pilipinas, 40% po ay mga nasa ibang
bansa. Sa mga nasa kabilang ibayo kahit
po na malayo kayo at hindi makakaboto (na tila baga kinukutya pa kayo dahil
dito, na ako naman ang napapahiya para sa inyo) ay malaki pa rin ang maiaambag
ninyo.
Sigurado po ako na mabigat ang desisyon ninyo nung
mag-decide kayong mangibang bansa, at nung nasa airport kayo ay hindi kayo
nagtatalon sa tuwa bagkus ay kayo ay balot ng lungkot. Iniisip ko rin na kahit na greener pasture
diyan kung nasaan kayo ay mas gugustuhin niyo pa ring umuwi ng Lipa kung alam
niyong may pag-asa at may maasahan sa liderato ng bayan. Malamang kung makikita niyo at
mararamdamang na may kahihinatnan kayo
dito ay mapapadali ang inyong pag-uwi at malamang mag-invest ng inyong
napag-ipunan upang manirahan kasama ang inyong mga mahal sa buhay, nag-e-enjoy
ng lomi, kapeng barako at ang matam-is na labtik ng salitang batangenyo.
Sa botong ito, may pag-asang mangyari ang mga ito.
I-take advantage po natin ang technology na ginagamit natin
para makipag-communicate – Facebook,
Facetime, mobile calls at kung ano-ano pa.
Ipaliwanag niyo po kung bakit gusto niyong iboto ng inyong mga mahal sa
buhay at mga nasasakupan si Maam Lyn Dimaano.
Kung kayo po ay nag-iisip iboto si Sabili, paumanhin po,
pero ano ang iniisip ninyo? Ang pamimigay po ng pera, bigas, semento, yero, scholarship,
health card at kung anu-ano pa ay hindi po nakakatulong sa inyo sa
pang-matagalan. Totoo pong naibsan ang
inyong pangangailangan sa ngayon pero asahan niyo na pagkatapos ng ilang araw
ay balik kayo sa dating estado. At pagkatapos
ng 3 taon ay ganoon pa rin ang gagawin ni Sabili at ganoon pa rin ang kalagayan
ninyo – umaasa sa ibibigay, habang ang mga taong hindi umasa sa bigay at bagkus
ay sa sariling sikap ay mas maayos at mas maunlad ang buhay. Kung ang ipinamumodmod ni Sabili ay ginugugol
sa mga proyektong magbibigay sa inyo ng maayos na trabaho at kabuhayan, asahan
niyo na hindi na kayo aasa sa suhol at bigay.
Di ga ho ang sarap na nakataas ang noo mo dahil alam mong binubuhay ka
ng sariling pawis at hindi ng nakakababang dignidad na dala ng pagmamakaawa?
Kung kayo ay taga-suporta ni Ka Lydio, Ka Merlo o ni Ka Roy,
hindi naman po masama kung kayo ay magbago ng isip niyo. Kung bubuksan lang po natin ang ating diwa at
magtitimbang ng hindi kasama ang
damdamin ay baka makita natin na ang totoong kwalipikado at may personalidad na
magtaguyod ng reporma at makatotohanang pagbabago at paglilinis ay si Maam Lyn
Dimaano.
Sana po ating pagnilayan ito. Hindi naman po importanteng matagal niyo nang
pinaniniwalaan kung anuman po ang kumumbinsi sa inyo para hanggang sa ngayon ay
piliin ang kandidato ninyo, ang mahalaga po ay sa huling sandali, sa segundo na
iitiman niyo na ang bilog na kadikit ng pangalan – pangalan ni Lyn Dimaano ang
inyong napag-desisyunan. Iyon po ang
simula ng pagbabago, para sa inyo at para sa ating bayan.