Wednesday, May 1, 2013

Lyn Dimaano for Mayor! Bakit?



Tanong ng karamihan, “Ay ano gang alam n’yang Lyn Dimaano na yan sa pulitika?”  Ang sagot po ay diretsahang “Wala.”     Wala po siyang mu-ang sa pulitika. 

Eh, ano ga po ang pagkakaintindi ng karamihan sa pulitika at sa pulitiko?

Mali man o tama, normal at tila automatic na para sa mga tao na isipin na ang pulitika ay madumi at ang mga pollutants, este, politicians ay bihasa sa paglinlang ng tao nang may ngiti sa labi habang ang kamay ay maliksi at patagong nakadukot sa kaban ng bayan. 

Unfair na pagkilala?  Oo.  Mali? Ewan natin. 

Pero sino ang dapat sisihin?  Huwag si Mam Lyn, dahil hindi naman siya pulitiko at wala siyang kinalaman dito. 

Tanongi ni Ka Indo na may halong simangot, “Ay ano nga ga ang alam nyan?”

Marami po, Ka Indo.  Kung titimbangin natin ang kanyang karanasan at kasanayan sa akademya man o sa pribadong sector ay matatanto natin na hindi siya basta-bastang tao at kandidato.  Kung ang resyume din lang ang pagbabasehan ay pangita na na walang puedeng tumapat sa kanya sa hanay ng ibang tumatakbo sa pagka-meyor.  Isama pa natin yung mga humahangos patungong  Senado.

Graduweyt ng UP mula college, hanggang magkamit ng MBA, at soon ay PhD sa Edukasyon.  Aba, ay kung mahasa ka at mamayagpag sa balitaktakan sa loob ng isang silid aralan ng UP ay di naman siguro malayong isipin na kaya n’ya ring gawin ito sa loob ng konseho, o ‘di kaya gamitin ang taglay na husay upang makapanghikayat ng mga investors na malamang ay maghahangad ng maayos at matalinong kapulong.

Idagdag mo pa ang kanyang pagiging successful sa pagbaybay ng corporate ladder at sa pagtimon ng sariling negosyo sa field (UPCAT review) na siya mismo ang nagpasimula at nagpayabong ay di malayong isipin na may vision at kakayahan siya na itaguyod ang Lipa sa tagumpay na di pa nito naaabot at natatamasa.

“Ay ngay-on?” Ismid ni Mang Tacio ni di bilib dahil  ika nya’y iba ang larangan ng edukasyon at industriya sa pamamahala sa gobyerno.

 Tama ka Mang Tacio.  Pero ang track record na batbat ng tagumpay, kahit saang larangan mang mapadpad, ay mainam na indikasyon kung paano magpe-perform ang isang tao sa isang bagong hamon o okupasyon.

“Ala, katalino naman!” ang pinag-isipang gatol ni Justo. 

Justo, ang suliranin ng bayan ay madami at masalimuot.  Napakahirap nitong intindihin ng matalinong tao, ay ano pa kaya ang ‘di pinalad mabiyayaan ng malalim, matayog at malawak na pag-iisip?  Hindi na man maaaring mag-ngitian na laang tayo ng tatlong taon, di baga ho?

Sabat naman ni Ka Edring, “Ay para ga s’yang kabute, bigla na laang sumulpot!”

Natumbok mo Ka Edring!  Biglaan nga s’yang sumulpot.  Ngunit gaya ng kabute, s’ya ay lumabas sa tamang panahon.  Magulat ka kung may kabuteng biglaang lalabas sa rurok ng tag-araw.  Ngay-on, ano gang ginagawa ng taga-Lipa kapag may nasumpungang kabute?  Ay titignan muna kung are ay hindi lason, at kung hindi nga ay iuuwi para ma-ilahok sa bulanglang.  Eh kung kabute si Maam Lyn ay pihadong s’ya ay marang.  Di ka ga nanghihinayang sa kalidad ng bumulaga?  O gusto mong i-analisa muna ang moisture at acid content ng lupa, pati na ang weather condition at ambient temperature kung bakit may sumulpot na kabute? (Kayang sagutin yan ni Maam Lyn dahil siya ay isa ring scientist)

“Ay, di mo ga kita na kulang na ang panahon upang siya ay makilala?” dagdag ni Ka Edring.

Marahil po huli na, kung tayo ay nasa 2010 elections pa.  Pero tayo po ay nasa 2013 – panahon ng Facebook, Twitter at Unlitext, idagdag pa natin ang angking bilis ng maganda o masamang balita hatid ng bibig at ng kumpas ng kamay.  Kahit po nasaan ang Lipenyo ay may sukbit na cellphone.  Kung umotot nga si Kris Aquino, mayamaya alam na ng mundo, ay ano pa kaya kung ang husay ni Maam Lyn ay maipahatid natin sa mga kakilala nating nangangapa pa ng pipiliin.

“Ey bakeyn ga kalakas ng apog ng Lyn na iyan, aba’y mayor agad eh?  Di man laang mag-konsehal o bise man laang, o barangay kagawad kaya.  Parang walang ka-plano plano ih” sulsol naman ng nanga-galaiting si Ka Liwayway.

Tama ka Ka Liwayway, parang ‘di pinagplanuhan, pero sigurado ako na ito ay pinag-isipan.  Ang pulitiko ay nagpa-plano ng long term, ambisyon ika nga, kaya pakurot-kurot muna, pautay-utay para mapangalagaan ang political career.  Si Maam Lyn na isang pribadong tao ay naglakas loob na gawan ng solusyon ang mga nakikita n’yang kakulangan sa pamamahala sa Lipa, matinding udyok ba o calling sa Ingles.  Ang calling ay hindi pinu-put on hold gaya ng tawag sa telepono na ayaw mong sagutin o di mo alam kung paano sagutin.  Ito ay sinasagot.  Now na!

Ang ambisyon at calling ay malaki ang pakakaiba.  Ang una ay pangsarili, ang huli ay para sa iba.  Mababatid mo din mula sa motive kung paano gagalaw sa puwesto ang nahalal.

Ang pulitiko ay pautay-utay, nagi-invest muna.  At alam natin ang kasunod kapag ang tao ay nag-invest.  Siyempre, dapat may kapalit.

Ang pagsagot sa calling ay hindi tigib ng investment, bagkus ay kakabit nito ang sakripisyo.  Aba’y manalo o matalo eh malaking sakripisyo ang kapalit para kay Maam Lyn.  Kahit sinong matagal ng nanahimik sa buhay na isasalang sa maingay at magulong mundo ng pulitika ay mababaliktad ang buhay.

“Ay bakit pa ga naman s’ya sasabit sa kung saan s’ya ay mahihirapan?” tanong ni Ka Piko na may pagkamot pa sa ulo.

Ka Piko, ang tawag po dito ay serbisyo.  Ang serbisyo po ay uunahin ang iba, hindi po muna ang sarili.

“Ay, di nga mamigay ng kahit singkong duling man laang ay may serbisyo pang nalalaman,” dagdag ni Ka Piko na nakalahad ang nakabukang palad na walang laman.

Ka Piko, ang pulitiko na nag-aabot ng kung ano-ano sa eleksyon ay nagpa-planong manalo pero hindi nag-aambisyon na mapabuti ang buhay ng botante.  Si Maam Lyn, ibig n’ya ay mapaunlad  ang buhay ng taga-Lipa sa pamamagitan ng  pagpapayabong ng trabaho.  Trabaho na kaakibat ang dignidad na hatid ng ganansya mula sa sariling pawis.

Si Maam Lyn, kapag sabi n’ya ang isang focus nya ay edukasyon ay hindi ibig sabihin ay mamimigay sya ng scholarship ng kaliwa’t kanan.  Ang nais niya ay pag-angat ng kalidad ng mga paaralan at training centers hindi lang padamihan ng mag-aaral.  Napaka-competitive po ng hanapan ng trabaho, hindi po sapat ang basta may diploma laang.

Inis na si Ka Rudy: “Ay, kagaling mo gang ikampanya yang si Lyn na iyan, puro ka katwiran, eh. Para kang kandidato mo.”

Diyos ko po, Ka Rudy!  Kung nakikita mong may katwiran ang isang tao, tingin mo kaya siya ay mali?


No comments:

Post a Comment